
Hindi totoo ang kumakalat na larawan na nagpapakitang diumano’y mas mataas ang survey rating ni Pasig City mayoral candidate Sarah Discaya kaysa kay reelectionist Mayor Victor “Vico” Sotto.
Mababasa sa larawan ang mga tekstong “SWS SURVEY TRUST APPROVAL RATING Apri 1-12, 2025.” Maaari itong tumutukoy sa survey firm na Social Weather Stations o SWS na karaniwang nagsasagawa ng election survey.
Mababasa rin sa larawan ang tekstong “MAYORALTY RACE” kalakip ang larawan nina Discaya at Sotto. Makikitang nagtamo diumano ng 48% rating si Discaya habang 45% naman ang katunggaling si Sotto.
Nakalagay din sa ibaba na “PASIGPH CHAPTER” diumano ang nagsagawa ng sinasabing survey habang “PHILTECHDEV TRANSPARENCY SURVEY” naman ang umano’y source nito.
Sa isang Facebook post, nilagyan ng caption ang larawan ng “Ate Sarah’s Hard Work is Paying Off!… Let’s keep the momentum going. Tuloy-tuloy lang po ang laban para sa #BagongPasig!”
Ang totoo, wala ang nasabing Pasig mayoralty race survey sa official website ng SWS.
Ayon din kay Leo Laroza, SWS Director for Communications and IT, “satisfaction rating” ang ginagamit na termino ng kanilang polling firm sa pagsukat kung nasiyahan ba ang mga tao sa ginawang trabaho ng isang opisyal, hindi “approval rating.”
Read the full story on ABS-CBN Fact Check.