
Walang basehan ang kumakalat na posts sa social media tungkol sa diumano’y pahayag ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na magpe-presenta siyang maging kalihim ng Department of National Defense (DND) sa 2028 at magpapatupad ng drug war sa Ilocos Norte.
Makikita sa mga nasabing post ang isang in-edit na quote card na sinasabing magpe-presenta raw si Duterte na maging DND Secretary at uunahin niya “ang anti-insurgency war at drug war sa Ilocos Region lalong lalo na sa Ilocos Norte dahil madaming NPA at mga addict doon.”
Base sa reverse image search, makikitang hango ang edited na bersyon ng larawan sa quote card ng SMNI Gikan sa Masa, Para sa Masa Facebook page na ini-upload noong Marso 25, 2024.
Si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang host ng programang Gikan sa Masa, Para sa Masa na lumalabas sa Sonshine Media Network International (SMNI) channel. Si Baste ay anak ni dating Pang. Duterte na nagpatupad ng madugong drug war sa kanyang termino.
Basahin ang buong artikulo sa ABS-CBN Fact Check.