FALSE

Hindi totoong ibinasura ang kasong crimes against humanity na kinahaharap ngayon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugo niyang drug war.

Kumalat ang maling impormasyon sa social media matapos maaresto si Duterte noong Marso 11, 2025 at inilipad sa The Hague, Netherlands kung nasaan ang headquarters ng ICC.

Dalawang materyal ang ginamit na basehan para sabihing dismissed na ang kaso ni Duterte.

Una, gumamit ang ilang post ng dating report tungkol sa pagbasura ng ICC sa apela ng Pilipinas at nilagyan ng mga caption gaya ng “DINISMISSED NG ICC ANG CASE LABAN KAY FPRRD.” Pangalawa, ginamit ang livestream ng pro-Duterte vlogger na si Sass Rogando Sassot kung saan ipinagtanggol niya si Duterte. Saad ni Sassot, nalabag umano ang Article 59 ng Rome Statute noong inaresto si Duterte dahil hindi siya dinala sa korte ng Pilipinas bago inilipad. Ang Rome Statute ay isang kasunduan na nagtatag sa ICC.

Sa unang claim, hindi ang kaso ni Duterte ang ibinasura ng ICC kundi ang petisyong nais magpahinto sa imbestigasyon sa kanyang madugong drug war.

Batay sa desisyon ng Appeals Chamber noong Hulyo 18, 2023, mayroong hurisdiksyon ang ICC sa mga kaso ng pagpatay na naganap mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019. Sa mga panahong ito, bahagi o State Party pa ang Pilipinas ng Rome Statute, at dahil dito ay ipinagpatuloy ang imbestigasyon. Nagsilbing vice mayor ng Davao City si Duterte mula 2010 hanggang 2013 at bumalik sa pagka-mayor noong 2013, pagkatapos ay naging pangulo mula 2016 hanggang 2022.

Sa pangalawang claim, nagkaroon ng diskusyon sa pagitan ng mga ligal na eksperto kung umiiral ba ang Article 59(1) ng Rome Statute sa sitwasyon ni Duterte dahil umalis na ang Pilipinas sa nasabing kasunduan. Noong Marso 17, 2018 ay nagpasya si Duterte na umalis sa Rome Statue matapos ipahayag ng ICC na uumpisahan ang imbestigasyon sa kanyang drug war; naging epektibo ito noong Marso 17, 2019.

Batay sa nasabing probisyon ng Rome Statute, kailangan dalhin ang akusado sa korte ng custodial State Party bago ilipat sa ICC: “A State Party which has received a request for provisional arrest or for arrest and surrender shall immediately take steps to arrest the person in question in accordance with its laws and the provisions of Part 9.”

Read the full story on ABS-CBN Fact Check.

ABS-CBN Fact Check is the fact-checking arm of ABS-CBN News. ABS-CBN is considered one of the country’s leading media and entertainment companies. It affirms its mission of being in the service of the Filipino and all of its stakeholders worldwide. The company is driven to pioneer, innovate and adapt as it continues to provide information, news and entertainment that connects Filipinos with one another and with their community — wherever they may be.

news.abs-cbn.com