
Nakabinbin pa rin sa Senado ang impeachment charges laban kay Bise Presidente Sara Duterte, taliwas sa ipinalalabas ng isang post na diumano’y ibinasura na ang mga ito ng Korte Suprema.
Ginamit ng post ang bahagi ng programang “Sa Ganang Mamamayan” ng Net 25 noong Marso 25, 2025. Nilapatan ang ulat ng tekstong “Ibinabasura na ang inihaing Impeachment” at ng larawan ng bise presidente.
Pero ang report ng naturang media company ay hindi tungkol kay Duterte kundi tungkol sa pagbasura sa impeachment case laban kay South Korean Prime Minister at acting President Han Duck-soo noong Marso 24, 2025.
Sa orihinal na bidyo ng Net 25, nagsimulang banggitin ng host ang sinasabi niyang “kalalabas lamang na desisyon” sa 3:25 mark, pero naklaro lamang na ito ay tungkol sa impeachment laban kay Han sa 6:58 mark. Mahigit tatlong minutong nag-usap ang dalawang hosts tungkol sa detalye ng ibinasurang impeachment case ni Han pero hindi sinasabi kung sino ang sangkot dito.
Sinabi pa nila noong una na “Korte Suprema” ang umano’y nagbasura sa impeachment pero ang Constitutional Court ng South Korea, hindi ang kanilang Korte Suprema, ang nagbasura sa naturang kaso ni Han.
Basahin ang buong istorya sa ABS-CBN Fact Check.