
Ginamit sa mga post sa social media ang video ng isang press conference ng Korte Suprema para sabihing nagsampa ng kaso ang Korte Suprema at si dating Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa magkahiwalay na posts sa social media, nilapatan ang video ng mga tekstong “SUPREME COURT, KINASUHAN SI PANGULONG MARCOS JR. KAUGNAY SA ISYU NG PAGLIPAT NG PHILHEALTH FUNDS” at “PBBM Sinampahan ng KASO ni Atty. Colmenares sa Supreme Court.”
Sa video, maririnig ang spokesperson ng Korte Suprema na si Atty. Camille Ting na sinasabing: “The Court consolidated the petition filed by 1SAMBAYAN Coalition et al. with the cases of Pimentel et al. versus House of Representatives et al. and Bayan Muna Chairman Neri Colmenares et al. versus President Ferdinand Romualdez Marcos.”
Una, hindi kinasuhan ng Korte Suprema si Marcos. Ang footage na ginamit sa mga nasabing post ay tungkol sa desisyon ng korte noong Oktubre 29, 2024 na pagsama-samahin ang nasabing petisyon ng Bayan Muna, 1SAMBAYAN Coalition et al., at Pimentel et al.
Pangalawa, isa sa mga respondent si Marcos sa kanyang opisyal na kapasidad bilang pangulo sa petition for certiorari na inihain ng mga opisyal ng Bayan Muna, kabilang si Colmenares bilang kasalukuyang chairperson.
Kinikwestyon ng pinagsamang tatlong petisyon ang constitutionality ng paglilipat ng sobrang pondo ng government-owned and controlled corporations (GOCCs), gaya ng Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth, sa unprogrammed appropriations sa 2024 budget. Ang unprogrammed appropriations ay ang mga programang mapopondohan lang kung may karagdagang pondo ang gobyerno.
Isa sa nilalayon ng petisyon ng Bayan Muna ay ang maideklarang unconstitutional at void ang presidential certification na nagpamadali sa pagpasa sa House Bill 8980 na naglatag sa pondo ng bansa para sa 2024.
Paliwanag ni Atty. Iana Jill Valdez, chairperson ng Department of Undergraduate Law Program sa Polytechnic University of the Philippines, hindi maaaring kasuhan si Marcos dahil sa principle of presidential immunity.
Read the full story on ABS-CBN Fact Check.