Hindi totoo ang pahayag ng dating broadcaster at talunang 2010 vice-presidential candidate na si Jay Sonza sa kanyang Facebook page noong January 12 na hindi ligtas ang mga water container o timba na ipinamimigay ng Angat Buhay Project ng Office of the Vice President.
Ayon sa post ni Sonza, pinaglalagyan diumano ng pintura at may nakalalasong lead content ang nasabing mga timba. Sa kaniyang post, inilagay ni Sonza ang isang larawan na kinuha mula sa website ng Physicians for Peace-Philippines kung saan makikita ang mga puting timba at ang anunsiyo ng proyekto.
Ang mga water container na ito ay donasyon ng Project H2O ng Mu Sigma Phi Fraternity at ng Physicians for Peace-Philippines noon pang 2017. Ipinamahagi ang mga water filter container sa Marawi Clash Relief Operations ng OVP.
Matapos mag-viral ang post ni Sonza, kaagad naglabas ang Mu Sigma Phi Fraternity, na nakabase sa UP College of Medicine, ng pahayag para linawin na ang mga nasabing timba ay ligtas gamitin.
Read the full story on ABS-CBN News.