
Kumalat sa social media ang pagkuwestiyon ng Commission on Audit (COA) sa confidential funds ng Department of Justice (DOJ) noong 2015 sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Leila De Lima. Nangangailangan ito ng konteksto.
Ibinahagi ng ilang user ang clip ng livestream ni blogger Sass Rogando Sasot noong Disyembre 1, 2024 kung saan binatikos niya si De Lima gamit ang lumang COA report. Ayon sa COA findings na binanggit ni Sasot, P91.9 milyon ng DOJ confidential funds noong 2015 ang walang disbursement voucher at P123.8 milyon ang walang liquidation report.
Muli ring ibinahagi sa social media ang artikulo ukol sa isyung ito. Pinamagatan ang artikulong “De Lima leaves DOJ with unliquidated P91.896M confidential funds.” Una itong inilabas noong Mayo 2016 nang manalo si De Lima sa pagka-senador noong panahong iyon.
Bagama’t totoo ang tinutukoy na 2015 COA audit findings sa mga post, naresolba na ng DOJ ang mga ito, batay sa 2016 at 2018 COA reports. Nangyari ito sa huling termino ni De Lima sa DOJ. Nagbitiw siya sa puwesto noong Oktubre 2015 para tumakbo bilang senador noong 2016, alinsunod sa probisyon ng Omnibus Election Code.
Sinabi sa COA audit report noong 2016 at 2018 na “fully implemented” na ang mga inirekomendang aksyon at wala nang naging karadagang puna ang komisyon.
Read the full story on ABS-CBN Fact Check.