Ayon sa isang Facebook post, papalitan daw ng Angat Buhay Foundation ang Liberal Party at gagamitin itong organisasyon upang labanan ang partido ni VP-elect Sara Duterte. Walang katotohanan ang balitang ito.
Inanunsyo ni outgoing Vice President Leni Robredo sa kaniyang thanksgiving party sa Ateneo de Manila University noong Mayo 13 na ilulunsad niya ang Angat Buhay Foundation sa darating na Hulyo 1. Ang Angat Buhay Foundation ay isang non-governmental organization na may layuning tulungan ang mga nasa laylayan ng lipunan bilang pagpapatuloy sa mga nasimulang programa ni outgoing VP Robredo.
Ano nga ba ang pahayag ng Liberal Party sa isyu na ito?
Ayon kay Liberal Party Vice President for Internal Affairs Theodoro “Teddy” Baguilat Jr., walang katotohanan ang mga ibinibintang. Isinaad niya na “Liberal Party remains committed to building a people’s party of grassroots membership and pushing for stronger political parties.”
Idinagdag pa ni Baguilat na ang Angat Buhay Foundation ay isang apolitical at non-partisan na organisasyon. Ayon sa Republic Act No. 8425 or Social Reform and Poverty Alleviation Act, ang mga NGO ay mga rehistradong “non-stock” at “non-profit” na organisasyong nakatutok sa pagpapaunlad ng mga nasa laylayan sa pagsasagawa ng mga programa na naaayon sa kanilang kakayahan.
Read the full story on #PakCheck by e-Boto.