
Nagkalat sa social media ang mga satirikal na quote card ng mga piksyunal na karakter na nagpapahayag ng pagsuporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bagama’t satirikal, nagdudulot pa rin ang mga ito ng kalituhan sa mga tao.
Kumalat ang mga quote card matapos arestuhin si Duterte ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugo niyang war on drugs. Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte.
Nilapatan ang mga quote card ng logo ng iba’t ibang media outlet sa United States gaya ng CNN, NBC News, at Fox News. Ang isang art card naman ay nilapatan ng pekeng tatak ng House of Representatives.
Sa quote card diumano ng CNN, sinabi ni Atty. Annalise Keating ng Harvard University na mali ang ginawang pag-aresto ng ICC kay Duterte. Si Annalise Keating ay isang piksyonal na abogado sa American TV series na “How To Get Away With Murder” na unang ipinalabas noong 2014.
Ang parehong pekeng pahayag ni Annalise Keating ay ginamit din sa diumano’y quote card ng NBC News pero naka-attribute naman kay Atty. Elle Woods ng Harvard Law School. Isang karakter si Elle Woods mula sa American film na “Legally Blonde” noong 2001.
Sa isa namang Facebook post na may kasamang diumano’y art card mula sa House of Representatives, sinasabi na sina Atty. Harvey Specter at Atty. Mike Ross mula sa Pearson Hardman law firm ang magsisilbing mga defense attorney ni Duterte. Paglilinaw sa dulong bahagi ng caption ng post, tauhan lamang sila sa American TV series na “Suits” na unang ipinalabas noong 2011.
Read the full story on ABS-CBN Fact Check.