Ayon sa isang Twitter post, nagbanta umano si VP Leni Robredo na magkakagulo kapag hindi siya nanalo sa halalan. Ito ay fake news! Nauna nang itinanggi ni Robredo ang pahayag na ito.
Press Conference sa Manila Pen
Matatandaang nagsimula itong naganap sa isang press conference noong Abril 17 para pagkaisahan nina presidential candidates Ping Lacson, Norberto Gonzales, at Manila Mayor Isko Moreno na wala sa kanilang magwi-withdraw ng kandidatura sa halalan. Ito ay matapos umano silang kausapin ng kampo ni Robredo na umatras sa halalan para manalo ang Bise Presidente laban kay Marcos. Gayunpaman, walang naibigay na ebidensya o patunay ang mga ito.
Sa kalagitnaan ng press conference ay nagtanong si Marlon Purificacion, mamamahayag mula sa Journal Publications na pagmamay-ari ng mga Romualdez: “Kunin ko lang ho ang reaksiyon ’nyo kasi may statement recently si Vice President Robredo na ’pag natalo siya ngayong eleksiyon ay magkakagulo?” Iginiit nito na nagmula kay Robredo ang pahayag at sinagot naman ito ng mga kandidato. Kalaunan ay isang mamamahayag din ang nagsabi na galing kay Isko Moreno ang naturang pahayag noong Abril 6 at hindi kay Robredo.
Magkakagulo’ ayon kay Isko
Abril 6, 2022 nang ipahayag ni Mayor Isko Moreno sa isang ambush interview na magkakagulo kapag nanalo si Marcos o si Robredo sa halalan.
“It’s time to heal, time to move forward, walang nang awayan sa politika. Kasi talagang ‘pag nagpatuloy ang away n’yan, ‘pag nanalo ang isa, ikukudeta ng isa. ‘Pag nanalo ‘yung isa, ikukudeta ng isa. Aawayin ng isa, aawayin. Hindi na matitigil.”
Robredo: ‘I never said that’
Nagkaroon ng pagkakataong makuha ang pahayag ni Robredo sa isang ambush interview noong Abril 21 sa Cebu. Sabi ng Bise Presidente, “Siguro ibabalik ko yung question sa media, narinig nyo na ba ako any point na sinabi ko ‘yun? Kasi ako, never ko ‘yung sinabi”. Nilinaw rin ni Robredo na wala siyang planong patulan ang mga tirada ni Mayor Isko Moreno at sa halip ay tututok na lamang ito sa kampanya.
Read the full story on #PakCheck by e-Boto.