Ayon sa isang Facebook post, mapapababa umano ng oil deal sa pagitan ni Presumptive President Bongbong Marcos at Russia ang presyo ng gasolina sa Pilipinas. Ito ay kulang sa konteksto.
Hindi lamang pag-import ng supply ng langis ang nagpapasya sa presyo ng gasolina. Malaking factor ang TRAIN Law ng administrasyong Duterte, digmaang Ukraine at Russia, at global oil market na nagdidikta ng presyo ng langis.
TRAIN Law at presyo ng langis
Bukod sa digmaan, malaking factor ang buwis na ipinapataw sa langis na nagpapasya sa presyo nito. Noong Disyembre 2017, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10963 o mas kilala sa pangalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN). Nagpataw ito ng dagdag na buwis sa petrolyo at iba pang sources ng fuel kada litro.
Sa isang fact-sheet, sinigurado ng Department of Finance na hindi lubos na tataas ang presyo ng pamasahe at bilihin bunga ng TRAIN law. Sa pamamagitan ng batas, may kapangyarihan ang DOF na pigilan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo kung ito ay lalagpas sa $80 kada barrel. Ang kasalukuyang presyo ng krudo ay nasa $109.28 ngayong Hunyo 20.
Deciding factors ng presyo ng gasolina
Samu’t sari ang mga kadahilanan na nagpapasya ng presyo ng gasolina, hindi lamang sa lokal na merkado ng Pilipinas, kundi sa buong daigdig na rin. Apektado ng factors na pumapalibot sa global oil market ang lokal na presyo ng krudong langis. Mayroong apat na pangunahing factors na nagdidikta ng presyo nito: supply at demand, gastos sa produksyon, market sentiment, at geopolitical events.
Ayon sa law of supply and demand, habang tumataas ang demand para sa langis o nababawasan ang supply nito, tumataas ang presyo; kapag naman tumaas ang supply, o nababawasan ang demand, bumababa ang presyo nito. Bago ito ibenta sa mga gasolinahan, dumadaan muna ang langis sa proseso ng produksyon. Dumadagdag din ito sa pangkabuuang presyo ng retail na gasolina.
Apektado ng international factors ang presyo ng langis sa lokal na merkado ayon sa Department of Energy, at dahil dito ay nagkakaroon ng palagiang price adjustments sa retail price ng gasolina.
Marcos-Russia oil deal
Ayon sa isang Wall Street Journal report, aminado si Russian President Vladimir Putin na apektado ang ekonomiya ng Russia sa mga sanction kontra sa kanilang tangkang pagsakop sa Ukraine, at magsasagawa ito ng reorientation mula Europa patungong Asya sa pagbenta sa krudo at gasolina.
Noong Hunyo 13, tinagpo ni President-elect Marcos si Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov. Pinag-usapan ng mga ito ang tatalakaying ‘pagtulong’ at ‘cooperation’ ng Russia sa Pilipinas sa panibagong source ng enerhiya, kabilang ang krudo. Ayon sa Economic Times, ito ay hakbang ng Russia buhat ng pangangailangan nitong maghanap ng mga mag-i-import ng kanilang energy resources.
Read the full story on #PakCheck by e-Boto.