Ayon sa isang Facebook post, makakapagpababa raw sa presyo ng kuryente ng bawat Pilipino ang pagbubukas ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Ito ay misleading sapagkat hindi kayang suplayan ng BNPP ng kuryente ang buong Pilipinas.
Ano nga ba ang kapasidad ng Bataan Nuclear Power Plant?
Taliwas sa kumakalat sa social media, hindi kayang suplayan ng BNPP ng kuryente ang buong bansa. Kung sakaling mabuksan ang plantang nukleyar, ito ay may kakayahan lang na mag-generate ng 620 MWe, sapat upang mag-supply ng kuryente sa 1.1% ng ating populasyon.
Tunay namang mas bababa ang presyo ng kuryente kung ito ay magmumula sa mga nuclear plants. Ayon sa Power Philippines, kung magbubukas ang BNPP ay bababa sa ₱2 per kWh ang presyo ng kuryente para sa mga nasa grid nito, hamak na mas mababa sa kuryenteng mula sa coal-fired power plants na nagkakahalaga ng ₱6 per kWh.
Ngunit bakit nga ba ipinasara ang Bataan Nuclear Power Plant?
Nang dahil sa safety concerns patungkol sa mga lindol at sa kawalan ng pondo, hindi kailanman nagamit ang BNPP. Nang mangyari ang pagsabog ng Chernobyl Nuclear Power Plant, minarapat ni dating Pangulong Cory Aquino na i-”mothball” ang BNPP–hindi gagamitin ngunit aalagaan at pananatilihin ito sa magandang kondisyon hanggang maging handa ang Pilipinas sa pagbubukas o pagdi-dispose nito.
Ang BNPP ay sangkot din sa samu’t-saring isyu ng korapsyon. Nakatanggap daw ang dating Pangulong Marcos ng $80 million na kickback mula sa Westinghouse na developer ng BNPP. Sa isang desisyon ng Korte Suprema, inutusan nito ang dating Marcos crony na si Herminio Disini na magbayad ng ₱1.1B na damages sa Republika ng Pilipinas kaugnay ng anomalya na nakapalibot sa BNPP.
Read the full story on #PakCheck by e-Boto.